THURSDAY, MARCH 10, 2011
Surot
Isang araw sa bilangguan
habang ako’y nagmimisa,
kitang-kita ng aking mga mata
isang surot sa aking sutana!
Mabilis na gumagapang
sa puti kong sutana,
at humagibis sa aking balikat!
Nandiri at nainis ako!
Kaya’t nawala sa Misa ang aking isip,
at sa estrangherong surot napunta.
Saan siya nagsuot?
Saan siya nagtago?
Ayoko ng surot!
Ayoko sa insektong ito!
Hayok sa dugo!
Traydor at mabaho!
Ngunit hindi ko alam kung saan siya nagtago?
Kaya’t pikit-matang hinintay na lamang
ang kanyang kagat at sipsipin ang aking dugo.
Subalit hindi ito naganap hanggang sa aking paglabas.
Sa isip-isip ko lamang,
baka naman nais lamang niya
na maki-angkas papalabas ng bilanguan,
Patungo sa malayang lipunan!
Sa isip-isip ko,
Maraming ring surot sa ating kapaligiran,
Na nangangagat at sumisipsip ng ating dugo,
Ng ating pasensiya at katinuan.
Kung surot lamang sila,
Kay sarap nilang tirisin,
huwag nang pansinin,
At hindi na patawarin.
Subalit di sila surot,
Sila’y kapatid natin
Na nangangailangan ng unawa
At pagpapatawad.
Pumanatag ka.
Paghihiganti'y itabi.
Hindi sila nakalamang.
Hindi nila tayo naisahan.
Higit pa rin tayo sa kanila,
Pagkat alam natin ang tama.
Higit pa rin tayo sa kanila,
Pagkat pag-ibig ng Diyos nasa atin na.
Kaya’t mabuting pag-isipan
na pa-angkasin natin sila
sa pag-ibig ng Diyos
na ating dala-dala.
Ito naman talaga ang atas ni Kristo,
Na patawarin ang mga surot ng buhay natin.
Bakit natin ipagkakait sa kanila ang Diyos?
Sila’y mga anak rin ng langit.
- Fr. Willy M. Samson,SJ
(Surot)